Dinumog ng mga tao at hindi na nasunod ang Physical distancing sa pagbisita ni presidential aspirant at Sen. Manny Pacquiao sa Batangas nitong Huwebes, Oktubre 14. Iniimbestigahan na ng DILG ang insidente pero giit ni Pacquiao, nakipag-ugnayan naman sila sa lokal na pamahalaan. Samantala, kinumpirma ng Senador na namigay siya ng pera sa mga tao nang magpunta siya sa Batangas. Pero iginiit niyang hindi iyon vote buying. “Yes, totoo po ‘yan namigay tayo ng tulong, grocery, bigas, at pera na tag-iisang libo,” pahayag niya Pacquiao. “Hindi [ito vote-buying] kasi ‘yung pamimigay ng pera at bigas, 2002 ko pa ginagawa ‘yan,” paliwanag niya. “Mula noon hanggang ngayon, may eleksyon man o walang eleksyon, habit ko na mamigay 'pag nakita ko may nangangailangan, nagugutom,” sabi ni Pacquiao. Hindi rin umano pondo mula sa gobyerno ang perang ipinamahagi niya. “Ito parang pilosopo. Ano gusto niyo mamigay ako ng pera o magnakaw ako?” tanong niya.