Mga Tolongges Madali nang Mahuhuli sa High-Tech Facial Recognition CCTV sa Maynila

Bilang bahagi ng kampanya kontra krimen, naglalagay na ng mga CCTV camera ang lungsod ng Maynila. Mayroon itong facial recognition feature kung saan matutukoy agad kung wanted ng batas ang isang tao kapag natapat sa camera. Sinimulan na ang paglalagay ng hanggang 98 CCTV camera na may facial recognition sa mga kritikal na lugar sa lungsod ng Maynila. Kapag nakunan sa CCTV ang isang tao malalaman agad kung wanted o pinaghahanap siya ng batas. Lalabas ang kanyang profile at mga huling nagawang krimen. Ayon kay Yorme Isko Moreno makikipag ugnayan sila sa PNP at NBI para tuloy-tuloy ang update ng records ng mga kriminal. May night vision din ang mga camera, kaya malinaw na makikita ang mga plaka ng sasakyan kahit na gabi.