P10-B Pang-ayuda, Hindi naipamigay ng DSWD

Dismayado ang ilang senador matapos malaman na may natira pang P10 billion ng cash aid sa DSWD na dapat sana ay naipamahagi na agad sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
Sinabi ng DSWD sa budget hearing sa Senado, na naipon ang naturang pondo nang mabawasan ng apat na milyon ang mga nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 cash aid sa SAP dahil sa "double compensation."
Ayon kay Senador Franklin Drilon, ang hakbang ng DSWD na hindi ipamahagi ang P10B ayudan ay taliwas umano sa hangarin ng pamahalaan na pasiglahin ang ekonomiya ng bansa sa harap ng pandemya.
"The DSWD should give the P10 billion to the poor which did not receive the second tranche of SAP. Huwag po nating tipirin ang tulong natin sa ating mga kababayan,” sabi ni Drilon.
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, dapat lang na ipamahagi ang naturang ayuda sa mga mahihirap na Pilipino dahil ibinalik noong Agosto sa mas mahigpit na community quarantine ang rehiyon ng Metro Manila at mga kalapit na probinsiya.
"It is unconscionable na may pera ka, iniipit mo, at hindi mo ibibigay sa mga nangangailangan. Dapat itong ipinamahagi lalo't nagdeklara ulit ng MECQ noong Agosto nang humiling ng 'time out' ang ating health workers... May mga nawalan ulit ng kita sa loob ng 15 araw," sabi ng Senadora.
Paliwanag naman ng DSWD, plano nilang gamitin ang naturang P10 billion "savings" bilang P15,000 livelihood assistance para sa mahigit 600,000 pamilya.
Hinihintay na lamang nila umano itong aprubahan ni Pangulong Duterte.
Comments
Post a Comment